You are here

Nililinis ng Bagong Manwal Ang Kasaysayang LDS

Printer-friendly version

Nililinis ng Bagong Manwal Ang Kasaysayang LDS

Joel B. Groat
 

Lumalagong pansin at alitan ang kasama ng isang bagong manwal na inilabas nang Enero ngayong taong ito ng Church of Jesus Christ of Latter-Day Saints (Simbahang LDS o Mormon). Ang manwal ay pinamagatang, Teachings of The Presidents of the Church — Brigham Young, at ginagamit sa 22 wika. Gayon pa man, noong ika-15 ng Abril, 1998 na isyu ng Salt Lake Tribune, may mga mananalaysay na Mormon ang nagpakita ng malakas na pagtutol sa kung papaano pinipilipit ng malubha ang kasaysayan at doktrina ng mga Mormon na kasangkot kay Brigham Young. 1

"Ang mga sipi ay binago upang palabasin na lahat ng mga ordinances, endowments, at sealings ay nagaganap sa templo, na salungat sa talagang itinuturo ni Brigham Young."


Ang pagtatalo ay umiikot sa mga bagay na inalis sa buhay ni Brigham Young sa manwal na ito. Iniiwasan o pinagtatakpan nito ang kanyang mga poligamong kasal sa 55 kababaihan, at ang kanyang aral na si Adan, ang unang lalaki, ay Diyos daw natin, na siyang Ama natin at ang Ama ni Hesu Kristo. Binabago rin ng manwal at pinipilipit ang ibang mga doktrinang aral ni Brigham Young. Isang grupo ng mga nangungunang mananalaysay na Mormon, kasama na si Profesor Valeen Tippetts Avery at si Will Bagley, ay nagpakita ng pagkalito at malubhang sama ng loob sa ganitong lantarang pagtangka na baguhin o supilin ang mga kahiya-hiyang aspekto ng kasaysayang Mormon. Ang pang-kasaysayang profesor na si Nancy J. Taniguchi, na siya ring mismong may akda sa isang aklat tungkol kay Brigham Young, ay tinukoy ito na "isang propagandang pang-relihiyon, hindi kasaysayan" samantalang si Bagley naman ay tinawag itong "Homogenized pap," at isang gawang nagpapakita ng "paghamak sa kaisipan ng mga kasapi." 2

Ang artikulong ito ay sumusuri sa ilang mga pinagtatalunang aral ni Brigham Young na inalis sa bagong manwal, at sa mga halimbawa ng mga salitang tinukoy na pinakialaman upang baguhin ang orihinal na kahulugan. Ang mga salitang-tinukoy ni Brigham Young at ng ibang mga pinuno ng mga Momon ay hinango sa mga kinilala at iginalang na mga pinagkukunan ng kaalamang-pangkasaysayang Mormon.3 Hanggang sa maaari, iniayos rito ang mga salitang sinipi ayon sa pagkakasunod-sunod nila sa pangyayari.

Si Brigham Young Tungkol sa Diyos na Si Adan

Mahigit sa 21 taon, itinuro ni Brigham Young na si Adan ay ang Diyos ng sanglibutan, ang lumikha niyon, ang Ama ni Hesu Kristo, at ang ating Ama sa Langit. Bilang ikalawang Propeta, Taga-kita, Taga-hayag, at Pangulo ng Simbahang Mormon, itinuro niya ito na mahalagang doktrina ng simbahan, sa kapuwa palihim at pampublikong pangangaral. Noong 1976, idininunsiya ni Spencer W. Kimball, ika-12 pangulo ng simbahang Mormon ang aral ni Brigham Young na Adang-Dios at tinawag itong "bulaang doktrina." Ito ang mga siping galing kay Brigham Young tungkol sa paksa na Adang-Dios.

  • "Ngayo'y pakinggan ito, O mga naninirahan sa lupa, Hudyo at Hentil, Banal at makasalanan! Nang ang ating amang si Adan ay dumating sa hardin ng Eden, dumating siya roon na may makalangit na katawan, at isinama si Eba, isa sa kanyang mga asawa. Tumulong siya na gawin at isaayos ang sanglibutang ito. Siya ay si Miguel, ang punong-Anghel, ang Pinakamatanda sa Panahon! na siyang isinulat at pinag-usapan ng mga banal na tao. Siya ang ating Ama at ating Diyos, at ang tanging Diyos na ating hinaharap. Bawa't tao sa mundo, Kristiyano man o hindi, ay dapat dinggin ito, at malalaman niya ito ng maaga man o huli... Nang ang Birheng Maria ay nagdalantao sa sanggol na si Hesus, ang Ama ay ang siyang umanak sa kanya ayon sa kanyang anyo. Hindi siya inanak ng Espiritu Santo. At sino ang Ama? Siya ang una sa mag-anak ng tao, ... si Hesus, ang ating panganay na kapatid, ay inanak sa laman noong mismong tauhan na nasa hardin ng Eden, na siyang Ama natin sa Langit. Ngayon, hayaan ang sinumang maaaring makarinig ng mga doktrinang ito, ay matigilan muna bago nila ito biruin, o ipagwalang-bahala, dahil ang mga ito ay ang magpapatunay ng kanilang ikaliligtas o ikasusumpa." (April 9, 1852, Journal of Discourses, Vol. 1. pp. 50-51).
     
  • "Balak kong magsalita sa isang paksa na hindi kaagad nauukol sa inyo o sa aking kapakanan. Inaasahan ko sa aking mga sasabihin na babanggitin ko ang mga bagay na inyong sinasaliksik, na mga lubos na kailangan sa inyong kaligtasan sa Kaharian ng Diyos.

    ... Ang Amang si Adan at ang Inang si Eba ay inihanda ang mga anak ng tao upang pumarito at magkaroon ng mga katawan; ...at ang katawang iyon ay nakakakuha ng "pagkadakila" (exaltation) kasama ng espiritu, kung sila'y naihanda upang putungan ng korona sa Kaharian ng Ama. 'Ano, sa kaharian ni Adan?' Oo. ...Sinasabi ko sa inyo, na kung makikita ninyo ang inyong ama sa kalangitan, makikita ninyo si Adan. Kung makikita ninyo ang ina na nagdala ng inyong espiritu, makikita ninyo ang Inang si Eba." (October 8, 1854, Where Does It Say That?, pages 1-8, 1-9, Brigham Young Papers Mss, Call # Ms d 1234, Church Historian's Office, Salt Lake City, Utah.)
     
  • "Ang iba ay umungol dahil ako ay naniniwala na ang ating Diyos ay napakalapit sa atin tulad ng Amang si Adan. Marami ang nakakaalam na ang doktrinang iyon ay totoo." (October 7, 1857, Journal of Discourses, Vol. 5, page 331)
     
  • "Ako'y magbibigay sa inyo ng kakaunting salita tungkol sa doktrina, na kung saan ay maraming mga itinatanong, at kung saan ay may malaking kamangmangan. Isusulat ito ni Bro. Watt, nguni't hindi ko balak na ipalathala ito; kaya't makinig kayong maigi, at itago ninyo sa inyong mga alaala. Ilang mga taon noon, binanggit ko ang isang doktrina tungkol kay Adan na bilang ama at Diyos natin, na magiging sumpa sa maraming mga Elders ng Israel dahil sa kanilang kaululan. Tungkol rito, sila ay gumagapang sa kadiliman. Ito ay isa sa mga pinaka-maluwalhating pahayag tungkol sa ekonomiya ng langit, ngunit ito'y pinagtatawanan ng sanglibutan." ("A Few Words of Doctrine" reported by G.D. Watts, given by Pres. Brigham Young in Great Salt Lake City, October 8th, 1861. A.M., photocopy of archive #Ms/d/1234/ Bx 49/ fd 8).
     
  • "Gaano kalaking pag-aalinlangan ang namamalagi sa isipan ng mga Latter-Day Saints tungkol sa isang doktrina na inihayag ko sa kanila, na siyang inihayag naman sa akin ng Diyos — na si Adan ang ating Ama at Diyos..." (Deseret News, June 18, 1873)

Ang mga pansin na naitala ng ibang mga pinuno na LDS sa kanilang mga ulat pang-araw-araw at mga talaarawan ay nagpapakita na kanilang naiintindihan ng malinaw na itinuturo ni Brigham Young na si Adan ay Diyos (Ama sa Langit). Halimbawa:

  • Hosea Stout — "Isang pulong ngayong gabi. Itinuro ni Pangulong B. Young na si Adan ay ama raw ni Hesus at ang natatanging Diyos sa atin." (Hosea Stout, April 9, 1852 in On the Mormon Frontier, The Diary of Hosea Stout, 1844-1861, Vol. 2, edited by Juanita Brooks, University of Utah Press, 1982 reprint, page 435).
     
  • Wilford Woodruff — "Siya [si Brigham Young] ay nagsabi na ang ating Diyos ay ang Amang si Adan. Siya raw ang Ama ng Tagapagligtas na si Hesu Kristo — Ang ating Diyos ay hindi humigi't kumulang na si ADAN, si Miguel na Punong Anghel." (Where Does It Say That?, page 1-8 on Wilford Woodruff, February 19, 1854)
     
  • Spencer W. Kimball — "Binabalaan namin kayo laban sa pagkakalat ng mga doktrina na hindi ayon sa mga Banal na Kasulatan, at ipinaparatang na itinuro daw ng ilan sa mga General Authorities ng mga nakaraang salinlahi. Gayon, halimbawa ay ang teoriya ng Adang-Diyos. Idinidinunsiya namin ang teoriyang iyan at umaasa na mababalaan ang lahat tungkol dito at sa mga iba pang klase ng bulaang doktrina." (Deseret News, Church Section, October 9, 1976).4

Hindi Raw Itinuro na Diyos Si Adan?

Malinaw sa mga hango sa itaas na may di-malabong mga ebidensiyang pangkasaysayan sa maraming napagkukunan ng aral ni Brigham Young tungkol sa Diyos na si Adan. Dahil doon, kakatwang makita na ipagkaila ng Office of the First Presidency ng Simbahang Mormon ang katotohanang ito:

"Upang linawin, ang Church of Jesus Christ of Latter-Day Saints ay hindi nagturo kailanman yaong tinatawag na teoriyang Adang-Diyos. Yung mga nagpaparatang na ang teoriyang ito'y nagkaroon ng puwesto sa opisyal na docktrina ng Simbahan ay naliligaw." (Letter from the Office of the First Presidency, dated September 18, 1989, signed by F. Michael Watson, Secretary to the First Presidency)

[Isang artikulo galing sa The Foundation for Ancient Research and Mormon Studies — F.A.R.M.S. — isang pang-depensang grupo na Mormon na kaanib sa Brigham Young University, ay gumawa rin ng pahayag sa isang artikulo kailan lang na hawig sa ganoong mga pananalita.]5

Ang doktrinang Adang-Dios ay maaaring isa sa mga katangi-tanging pangaral ni Brigham Young, kung kaya't ito'y nangingibabaw sa karamihan ng kanyang mga sermon. Nguni't ito'y buong inalis sa manwal na ginawa upang tulungan ang mga Mormon na "lubusang pahalagaan ang mga malalim at kinasihang aral ng dakilang propeta na ito." (Introduction, p. vi)

Tapat ba at may pananagutan ang pamunuan upang baguhin ang impormasyong pangkasaysayan o itago ito sa mga miyembro? At gaano naman kalaki ang tiwalang maibibigay sa isang simbahan na ipinagkakaila ang kanyang naka-dokumentong kasaysayan

Si Brigham Young, Ang Poligamista

Isang katangi-tanging aspekto ng buhay at aral ng pangalawang propeta at pangulo ng Mormonismo ay ang kanyang mabigat na pagdiin at malawak na pagsagawa ng poligamo. Matapos ang kanyang unang asawa, si Miriam Works, ay mamatay, si Brigham Young ay nag-asawa ng hihigit sa 50 iba pang mga babae, nilubos ng pisikal ang mga relasyon sa kanila, at nagsilang ng napakaraming mga anak. Si Young ay nagpatayo ng mga malalaking bahay para sa kanyang mga asawa at mga anak, kasali na ang Beehive House, na itinayo noong 1854 sa Salt Lake City, Utah. Isa itong mahalagang pang-akit-turista at ipinapaliwanag ng mga gabay roon na kinailangan ni Young ng ganoong kalaking bahay dahil sa dami ng kanyang mga asawa at anak. Ayon pa sa isang libreto na ibinibigay sa mga turista, ang Beehive House ay may sariling bodega na kung saan "ang bodegero ay nagdidispensa ng mga pagkain at ibang gamit na walang daya sa bawa't mag-anak ni Brigham Young."6

Poligamo: Lubhang Kailangan Daw
Sa Buhay Na Walang Hanggan


Si Young at ang iba pang mga pinunong Mormon ay lantarang nagturo na ang Celestial Marriage sa maraming babae ay lubhang kailangan daw sa ikaliligtas ng mga Mormon. Si Brigham ay madalas na tumutukoy sa isang lalaki at ang kanyang mga asawa. Ang pagkabigo sa pagsagawa ng "prinsipiyo" ng poligamo ay itinuring na tanda ng espirituwal na kahinaan o kababaan, at higit sa lahat, isang banta sa sariling kaluluwa. Ang mga sumusunod ay kakaunti lamang sa maraming pahayag na sinabi ni Brigham Young:

  • "Ngayon, kung ang ilan sa inyo ay ipagkakaila ang pag-aasawa ng marami, at tuluyang gagawin iyon, ipinangangako ko sa inyo na kayo'y masusumpa." (July 14, 1855, Journal of Discourses, Vol. 3, page 266).
     
  • "Ang natatanging mga lalaki na magiging mga Diyos, pati mga Anak ng Diyos, ay yaong mga pumapasok sa pagpopoligamo." (August 19, 1866, Journal of Discourses, Vol. 11, page 269).
     
  • "May isang maliit na bagay na nais kong ihayag sa inyo, mga kapatid kong babae. Isa itong paksa na nakasusuklam sa mga taga-labas... 'Oh,' sabi ng isa, 'alam ko ang ibig mong sabihin, ang asawa kong lalaki ay may dalawa, apat, o kalahating-dosena na asawang babae.' ... Ang doktrinang ito na nakakapunong-galit at nakakainis sa damdamin ng karamihan, ay ipinahayag mula sa langit kay Joseph Smith, at pagsunod ang kailangan nito sa mga Latter-Day Saints, — ang pinaka-prinsipyong ito ang siyang magsasagawa ng kaligtasang pang-moral ng sanglibutan. Pinaniniwalaan ba ninyo ito? Walang ikakaiba kung maniniwala kayo rito o hindi, ito ay totoo." (August 9, 1868, Journal of Discourses, Vol. 12, page 261).

Ang poligamo ay isa sa mga sentral na doktrina ng Simbahang Mormon noong pamunuan ni Brigham, nguni't maingat na inalis ang anumang bahid ng aral na ito sa bagong manwal ng simbahan. Wala sa kronolohiya (pagkakasunod-sunod) ng buhay ni Brigham, o maging sa kapitulo na nagsuma ng kanyang buhay at mga ginawa, ang nagpapahiwatig na nagpakasal siya sa higit na 50 kababaihan, at itinaguyod sa mga pulpita ang pagsagawa ng poligamo.

Ito ay lubos na makahulugan sa mga nasa labas ng Estados Unidos na kung saan maraming mga Mormon ang hindi nakakaalam sa ganitong kasaysayan. Higit pa rito, ang manwal ay hindi lamang umiiwas sa paksa ng poligamo, inaalis pa nito ang anumang siping tumutukoy rito sa pamamagitan ng pagbabago sa mga salita ni Brigham Young. Isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng mga salita ni Brigham Young ay ang aklat na Discourses of Brigham Young (DBY). Ito ay tinipon at iniayos ng Apostol na Mormon na si John A.Widtsoe noong 1925 at maulit na nalimbag sa iba't-ibang edisyon. Ang edisyon na pinagsipian ng bagong manwal at ng artikulong ito ay ang edisyong 1977, na inilathala ng Deseret Book. Ang mga sipi na kinuha rito na dating tumutukoy sa "mga asawa," ngayo'y lumabas na sa bagong manwal na "asawa" na lamang, at anumang pagbanggit nito sa doktrina ng pagpopoligamo ay inalis. Halimbawa:

Buong sipi sa Discourses of Brigham Young (DBY), edisyong 1977, pahina 197:

"Maraming mga kawan ng mga espiritung puro at banal ang naghihintay na makakuha ng tahanan, ngayon ano ang ating tungkulin? Ang maghanda ng mga tabernakulo para sa kanila; ang dumaan sa landas na hindi bubugaw sa mga espiritung yaon na mapapunta sa mga mag-anak ng mga masasama, na kung saan sila matututo ng kasamaan, kahalayan, at anumang uri ng krimen. Katungkulan ng bawa't matuwid na lalake o babae ang ipaghanda ng tabernakulo ang lahat ng epiritu na kaya nila.

Iyan ang dahilan kung bakit ang doktrina ng pagpopoligamo ay ipinahayag, upang ang mga mararangal na espiritu na naghihintay ng mga matatahanan ay maisilang na."

Binagong sipi sa Teachings of the Prophets — Brigham Young, 1997, pahina 164:

"Maraming mga kawan ng mga espiritung puro at banal ang naghihintay na makakuha ng tahanan, ngayon ano ang ating tungkulin? Ang maghanda ng mga tabernakulo para sa kanila; ang dumaan sa landas na hindi bubugaw sa mga epsiritung yaon na mapapunta sa mga mag-anak ng mga masasama, na kung saan sila matututo ng kasamaan, kahalayan, at anumang uri ng krimen. Katungkulan ng bawa't matuwid na lalake o babae ang ipaghanda ng tabernakulo ang lahat ng epiritu na kaya nila.

Iyan ang dahilan kung bakit ang doktrina ng pagpopoligamo ay ipinahayag, upang ang mga mararangal na espiritu na naghihintay ng mga tatahanan ay maisilang na."

Inalis ng manwal ang talatang tumutukoy sa "doktrina ng pagpopoligamo."

Orihinal na sipi (DBY), edisyong 1977, pahina 198:

"Ngayon, hayaan kong sabihin sa First Presidency, sa lahat ng mga Apostles, sa mga Bishops ng Israel, at sa bawa't quorum, lalong-lalo na sa mga opisyal na namumuno, ipakita ang halimbawang yaon sa inyong mga asawa at mga anak..."

Binagong sipi, Teachings of the Prophets, 1977, pahina 164-5:

"Ngayon, bayaan akong sabihin sa First Presidency, sa lahat ng mga Apostles, sa mga Bishops ng Israel, at sa bawa't quorum, lalong-lalo na sa mga opisyal na namumuno, ipakita ang halimbawang yaon sa inyong mga asawa at mga anak..."

Orihinal na sipi, (DBY) edisyong 1977, pahina 198:

Hayaan ang asawang lalaki at ama na matutong iyuko ang kanyang kagustuhan sa kalooban ng Diyos, at kanyang turuan ang kanyang mga asawa at mga anak sa araling ito tungkol sa pamamahala sa sarili.

Binagong sipi, Teachings of the Prophets, 1977, pahina 165:

Hayaan ang asawang lalaki at ama na matutong iyuko ang kanyang kagustuhan sa kalooban ng Diyos, at kanyang turuan ang kanyang mga asawa at mga anak sa araling ito tungkol sa pamamahala sa sarili.

Ang mga hawig na pagbabago na nag-aalis sa mga tumutukoy sa maraming asawang babae ay makikita rin sa pahina 166, 174, at 229.

Nang tanungin siya tungkol sa mga pagpapalit, si Craig Manscill, na chairman ng writing commitee na gumawa ng manwal tungkol kay Brigham Young, ay nagsabi tungkol sa materiyal na tumutukoy sa poligamo, "Iyon ba ay nasa material na aming nirepaso? Oh, naroroon nga. Kinaltasan ba namin ang ibang mga bahagi? Siyempre, ganoon na nga. Nguni't sumusunod lamang kami sa mga hiniling ng aming mga pinuno." Ang implikasyon ng ganitong pag-amin ay dapat na magbigay ng babala sa mga isipang naghahanap ng katotohanan. Ang mga kasalukuyang pamunuan ng Simbahang Mormon ay nag-utos sa mga manunulat ng manwal na ito na baluktutin o itago ang katotohanan, at pumayag naman ang mga manunulat na ito.

Malinaw rin na hiningi ng mga pamunuan ng Simbahan sa writing commitee na baluktutin ang mga sermon ni Brigham Young upang palabasin na nagturo siya ng mga bagay na hindi naman niya itinuro.

Pag-aralan ang sumusunod na talata sa DBY, pahina 399-400:

"Maraming mga ritwal (ordinances) sa tahanan ng Diyos na kailangang isagawa sa isang templo na itinayo sa ganoong layunin. May mga ritwal na maaari nating gawin kahit walang templo. Alam ninyo na may mga natanggap kayong iba — ang pagbabautismo, ang pagpapatong ng kamay upang tanggapin ang Banal na Espiritu, gaya ng pagsasalita at pagpapaliwanag ng ibang wika, ang paghuhula, pagpapagaling, pagkikilala sa mga espiritu, at iba pa, at maraming mga biyayang ibinigay sa bayan, na nagkaroon tayo ng pagkakataong tanggapin kahit na walang templo. May mga biyaya na hindi matatanggap, at mga ritwal na hindi maisasagawa ayon sa batas na inihayag ng Panginoon, kung hindi gagawin sa templo ha inihanda para sa ganoong layunin. Tayo'y maaari, sa kasalukuyan, magtungo sa Endowment House at magpa-bautismo para sa mga patay, tanggapin ang ating paghuhugas at pagpapahid, atpb., dahil doon ay mayroon tayong binditahan na itinayo, na inilaan para binyagan ang mga tao sa ikapapatawad ng kanilang mga kasalanan, para sa kanilang kalusugan at sa mga nangamatay na kaibigan. Mayroon din tayong karapatan na ipagsama (seal) ang mga babae sa lalake, kahit walang templo. Ito'y maisasagawa natin sa Endowment House; nguni't kung tayo'y paroroon sa ibang mga ritwal ng pagsasama (sealing ordinances), mga ritwal na nauukol sa banal na Pagka-pari (Priesthood), upang idugtong ang kadena ng Pagka-pari mula kay Adan na Ama hanggang sa ngayon, sa pagsasama ng mga anak sa kanilang mga magulang, ang maisama para sa ating mga ninuno, atpb., hindi magagawa ang mga yaon kung walang templo. Kung ang mga ritwal na isasagawa sa mga templo na itatayo, ang mga lalaki ay isasama sa kanilang mga ama, at yaong mga yumaon, magtutungo kay Amang si Adan. Kailangan itong maisagawa dahil ang kadena ng Pagka-pari ay nalagot sa mundo."

Masdan kung papaano itinuro ni Brigham Young na may mga ritwal na hindi kailangan maganap sa loob ng templo: ang binyagan para sa mga patay, ang paghuhugas at pagpapahid, at pagsasama (sealing) ng kababaihan sa mga lalake. Ang templo ay para sa pagsasama ng mga lalake sa kanilang mga ama dahil ang kadena ng kapangyarihang Pagka-pari ay ipinapasa ng lalake sa lalake (hindi humahawak ng karapatang Pagka-pari ang mga babae).

Ngayon nama'y tunghayan kung papaano binago ng Simbahang Mormon ang talatang ito sa bagong manwal. Ginamitan nila ng mga salitang ipinalit upang alisin ang mga tumutukoy sa mga lalake na isinasama sa kapuwa lalake, at upang itago ang katotohanan na si Brigham ay tumutukoy sa dalawang magkaibang grupo ng ritwales. Ang mga manunulat ng bagong manwal ay gumamit ng pagkakaltas (ellipses) upang ibahin ang itinuturo ng buong seksyon na ito sa orihinal na pakay ni Brigham.

"Maraming mga ritwal sa tahanan ng Diyos na kailangang isagawa sa isang templo na itinayo sa ganoong layunin. May mga ritwal na maaari nating gawin kahit walang templo. Alam ninyo na may mga natanggap kayong iba — ang pagbabautismo, ang pagpapatong ng kamay upang tanggapin ang Banal na Espiritu, gaya ng pagsasalita at pagpapaliwanag ng ibang wika, ang paghuhula, pagpapagaling, pagkikilala sa mga espiritu, at iba pa, at maraming mga biyayang ibinigay sa bayan, na nagkaroon tayo ng pagkakataong tanggapin kahit na walang templo. May mga biyaya na hindi matatanggap, at mga ritwal na hindi maisasagawa ayon sa batas na inihayag ng Panginoon, kung hindi gagawin sa templo ha inihanda para sa ganoong layunin. Tayo'y maaari, sa kasalukuyan, magtungo sa Endowment House at magpa-bautismo para sa mga patay, tanggapin ang ating paghuhugas at pagpapahid, atpb., dahil doon ay mayroon tayong binditahan na itinayo, na inilaan para binyagan ang mga tao sa ikapapatawad ng kanilang mga kasalanan, para sa kanilang kalusugan at mga nangamatay na kaibigan. Mayroon din tayong karapatan na ipagsama ang mga babae sa lalake, kahit walang templo. Ito'y maisasagawa natin sa Endowment House; nguni't kung tayo'y paroroon sa ibang mga ritwal ng pagsasama para sa mga nangamatay, mga ritwal na nauukol sa banal na Pagka-pari, upang idugtong ang kadena ng Pagka-pari mula kay Adan na Ama hanggang sa ngayon, sa pagsasama ng mga anak sa kanilang mga magulang, ang maisama para sa ating mga ninuno, atpb., hindi magagawa ang mga yaon kung walang templo. Kung ang mga ritwal na isasagawa sa mga templo na itatayo, ang mga lalaki anak ay isasama sa kanilang mga ama magulang, at yaong mga yumaon, magtutungo kay Amang si Adan. Kailangan itong maisagawa dahil ang kadena ng Pagka-pari ay nalagot sa mundo." (Teachings of the Prophets, pahina 303)

Ang sipi ay binago upang palabasin na ang lahat ng mga ritwales ay isinasagawa sa loob ng templo, salungat sa talagang itinuro ni Brigham. Ang mga iba pang hawig na pagbabago ay mapupuna sa buong manwal. Ang mga halimbawa ay makikita sa pahina 171, 304, at 309.

Ang artikulo ng Salt Lake Tribune ay binanggit si Ron Priddis, ang Vice President ng tagalathalang LDS na Signature Books, tungkol sa lawak ng maling representasyon ng bagong manwal. "Sa palagay ko'y may abot 10% ng mga sipi ang lantarang kinuha ng wala sa kawawaan, kasama ang 10% pang binago na hindi halata."7 Sa kabuuan, 20%, o ang ika-limang bahagi ng nilalaman ng manwal na ito ay hindi wasto ayon sa kasaysayan.

Ang ganitong pagwawalang-galang sa katotohanan ay siguradong maglalabas ng mga katanungan tungkol sa kakayahan ng Simbahang Mormon na ipakita ang mga bagay na ukol sa kasaysayan. Mapagkakatiwalaan ba ang mga pinuno ng Simbahan at ang 50,000 nitong mga misyunero na kanilang turuan upang ilabas ang tunay na simula ng mga Mormon? Ang katotohanan ay maraming mga aspekto ng doktrina at kasaysayang Mormon ang binago, inalis, o di kaya'y pinalitan. Nakakatulong nga ang ganito upang mas madaling lunukin ng mga bagong kasapi at kaakit-akit naman sa mga maaaring sumapi. Nguni't ito naman ay ginagawa sa ikakukulang ng kabuuan at katotohanan.
 



Mga Tala

1. "Absence of Polygamy in LDS Manual Stirs Controversy," Salt Lake Tribune, April 5, 1998.

2. Ibid.

3. May mga binago sa pagbabaybay at pagpalaking-titik upang mapabuti ang pagbasa.

Pag-aralan ang mga sumusunod na sipi sa mga pinagkunan ng katibayang-Mormon:

"Ang Journal of Discourses ay karapat-dapat lamang na ihanay bilang isa sa mga Kasulatang Pamantayan (Standard Works) ng Simbahan, at bawa't miyembrong may matuwid na kaisipan ay lubos na tatanggapin ng malugod ang bawa't Numero nito na lalabas sa limbagan bilang karagdagang replektor ng "ilaw na nagniningas sa burol ng Sion." (Apostle George Q. Cannon, Journal of Discourses, Preface, Vol. 8)

"... Sa halos lahat ng pagkakataon, lumalabas na ang mga nagsisisalita buong umaasa sa inspirasyong galing sa Banal na Espiritu, at ang mga paksang pinag-usapan ay para sa lubusang ikakabubuti ng mga kasapi." (Par. 2, Preface, Journal of Discourses Index)

Sinabi ni Brigham Young tungkol sa kanyang sariling mga pagtatalakay:

"Alam ko nang mabuti kung ano ang dapat na ituro sa bayang ito, at kung ano ang dapat na sabihin sa kanila upang sila'y dalhin sa kahariang celestial, gaya ng pagkaalam ko sa daang patungo sa aking opisina. Ito ay patag at maalwan. Ang Panginoon ay nasa sa gitna natin. Tinuturuan niya ang bayan ng tuloy-tuloy. Hindi pa ako nangaral ng isang sermon na ipinabigay ko sa mga anak ng tao, na hindi nila matatawag na Kasulatan. Bigyan ninyo ako ng pagkakataong ituwid ang isang sermon, at ito ay isang mahusay na Kasulatan na karapat-dapat sa kanila." (Journal of Discourses, 13:95)

"Sinasabi ko ngayon, kung sila ay kinopya at pinatibayan ko, sila ay katulad na rin ng Kasulatan na gaya ng nasa loob nitong Bibliya, at kung nais ninyong makabasa ng mga pahayag, basahin ninyo ang mga kawikaan ng siyang nakakaalam sa pag-iisip ng Diyos." (Journal of Discourses, 13:264)

4. Ito ay makabuluhan dahil dito ay mayroon tayong isang propetang Mormon na idinidinunsiya bilang "bulaang doktrina" ang pangaral ng isang naunang propetang Mormon. Sa liwanag nito, mapagkakatiwalaan ba natin ng tunay ang mga pinuno ng Simbahang Mormon kung kanilang angkinin na "Ang Propeta kailanman ay hindi sila ililigaw"? (Where Does It Say That?, pages 12-2, 12-4)

5.  " 'Shall They Not Both Fall Into the Ditch?' What Certain Baptists Think They Know About the Restored Gospel" ni Daniel C. Peterson, FARMS Review of Books, Vol. 10, No. 1, 1998, p. 20. Sinasabi ni Peterson: "At bagama't siya ay mahihirapan ng matindi upang makahanap ng iisang sipi na ganoon ang sinasabi, buong-loob na sinasabi ni Gng. Tanner sa kanyang mga tagapanood sa video na si Brigham Young ay "nagsabi na si Adan ang Diyos na dinadasalan natin." Ang dalang kahulugan nito sa mambabasang kulang sa impormasyon ay malinaw — kakaunti lamang o walang katibayan na si Brigham Young ay nagturo ng Adang-Diyos. Ang ganitong sinadya na mapanlinlang na salita ay nagpapa-alaala na "Tayong lahat ay may karapatan sa ating mga opinyon, nguni't hindi sa ating mga katibayan," at gaya ng aral ni Young tungkol sa Adang-Diyos, malinaw ang mga katibayan: Totoong ipinangaral ni Brigham Young ang doktrina na si Adan ay ang Diyos na Ama, at Ama ni Hesu Kristo.

6. The Beehive House, ni Dilworth S. Young (1981), p.12.

7.  "Absence of Polygamy in LDS Manual Stirs Controversy," Salt Lake Tribune, April 5, 1998.