You are here

Ang Mormonismo Ba Ay Kristiyano?

Printer-friendly version

Ang Mormonismo Ba Ay Kristiyano?

Ang Mormonismo ba ay Kristiyano? Maaaring magmukhang palaisipan ang tanong na ito sa maraming mga Mormon at gayundin sa ilang mga Kristiyano. Bibigyang pansin ng mga Mormon na isinasama nila ang Biblia na kabilang sa apat na mga aklat na kinikilala nila bilang Kasulatan. At gayon din ang paniniwala kay Jesus ay sentro sa kanilang pananampalataya, gaya ng mapapansin sa kanilang opisyal na pangalan, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints (Ang Simbahan ni Jesucristo ng Mga Banal sa Huling-araw). Bukod dito, maraming Kristiyano ang nakarinig na sa pag-awit ng Mormon Tabernacle Choir ng mga himnong Kristiyano. Marami rin ang humahanga sa pagnanais ng mga Mormon na mapanatili ang mataas na pamantayan ng mabuting asal at matatag na pamilya. Ngunit nangangahulugan ba ito na ang Mormon ay Kristiyano? 

"Upang masagot ang katanungang ito ng walang kinikilingan at wasto, kailangan nating ipaghambing na maingat ang mga saligang turo ng relihiyon ng Mormon sa mga saligang doktrina ng makasaysayang Kristiyan ismo na batay sa Biblia."

Upang masagot ang katanungang ito ng walang kinikilingan at wasto, kailangan nating ipaghambing na maingat ang mga saligang turo ng relihiyon ng Mormon sa mga saligang doktrina ng makasaysayang Kristiyanismo na batay sa Biblia. Para sa kakatawan sa paniniwala ng Mormon, umasa kami sa ilan na mga kilalang pangdoktrinang aklat ng mga Mormon. Ang unang tatlong aklat na inilathala ng Iglesia ng Mormon: Mga Alituntunin ng Ebanghelyo, 1990, Achieving a Celestial Marriage, 1976 (Pagtatamo ng Makalangit na Kasal), at A Study of the Articles of Faith, 1979 (Isang Pag-aaral sa mga Artikulo ng Pananampaltaya) na sinulat ng apostol ng Mormon na si James E. Talmage. Ang iba pang mga aklat ay ang mga sumusunod: Doctrines of Salvation, 3 volumes (Mga Doktrina ng Kaligtasan) na sinulat ng ikasampung presidente ng Mormon at propeta na si Joseph Fielding Smith, Mormon Doctrine, 2nd edition, 1979 (Doktrina ng Mormon) na sinulat ng apostol ng Mormon na si Bruce R. McConkie, at Teachings of the Prophet Joseph Smith (Mga Katuruan ng Propeta Joseph Smith).


1. MAYROON PA BANG IBANG MGA DIYOS BUKOD SA TUNAY NA DIYOS?

Itinuturo ng Biblia at pinaniniwalaan ng mga naunang kinikilalang Kristiyano na mayroon lamang iisang Tunay at Buhay na Diyos. Bukod sa Kaniya ay wala nang iba pang Diyos (Deuteronomio 6:4; Isaias 43:10,11; 44:6,8; 45:21,22; 46:9; Marcos 12:29-34).

Ngunit, sa kabila nito, ang Iglesia ng Mormon ay nagtuturo na marami ang Diyos (Ang Aklat ni Abraham 4:3ff), at tayong mga tao ay maaaring maging diyos o diyosa sa kahariang selestiyal (Ang Doktrina at mga Tipan, 132:19-20; Mga Alituntunin ng Ebanghelyo, p. 269; Achieving a Celestial Marriage, p.130). Itinuturo rin nito na ang magtatamo ng pagka-diyos ay magkakaroon ng mga espiritung anak na sasamba at mananalangin sa kanila na kagaya ng pagsamba at pananalangin natin sa Diyos Ama. Itinuturo rin nito na ang magtatamo ng pagka-diyos ay magkakaroon ng mga espiritung anak na sasamba at mananalangin sa kanila na kagaya ng pagsamba at pananalangin natin sa Diyos Ama. (Mga Alituntunin ng Ebanghelyo, p. 328).

2. ANG DIYOS BA AY DATING TAO NA GAYA NATIN?

Itinuturo ng Biblia at pinaniniwalaan ng mga naunang Kristiyano na ang Diyos ay Espiritu (Juan 4:24; I Timoteo 6:15,16) Hindi siya tao (Bilang 23:19; Hosea 11:9; Roma 1:22,23). Siya ay laging (walang hanggan) nabubuhay bilang Diyos - makapangyarihan sa lahat, nakaaalam ng lahat, at nasa lahat ng dako (Awit 90:2; 139:7-10; Isaias 40:28).

Ngunit, sa kabila nito, ang Iglesia ng Mormon ay nagtuturo na ang Diyos Ama ay dating tao na gaya natin na lumago upang maging Diyos at mayroong katawang laman at buto (Ang Doktrina at mga Tipan 130:22: "Ang Diyos mismo ay dating katulad natin ngayon, at ngayon ay isang dinakilang tao at nakaupo sa trono doon sa kalangitan!" Mula sa Teachings of the Prophet Joseph Smith, pp. 345-347; Mga Alituntunin ng Ebanghelyo, p. 10; Articles of Faith, p. 430 at Mormon Doctrine, p. 321). Tunay ngang itinuturo ng Iglesia ng Mormon na ang Diyos mismo ay mayroong ama, lolo at mga ninuno (Teachings of the Prophet Joseph Smith, p. 373; Mormon Doctrine p. 577).

3. SI JESUS BA AT SATANAS AY MAGKAPATID SA ESPIRITU?

Itinuturo ng Biblia at pinaniniwalaan ng mga naunang kinikilalang Kristiyano, na si Jesus ay bugtong na Anak ng Diyos, na siya ay laging umiiral na Diyos, walang hanggan at kapantay ng Ama (Juan 1:1,14; 10:30; 14:9; Colosas 2:9). Bagama’t kailanman ay hindi nabawasan ang pagka-Diyos ni Jesus, sa takdang panahon ay isinaisang tabi Niya ang kaluwalhatiang taglay Niya kasama ng Ama (Juan 17:4,5; Filipos 2:6-11) at nagkatawang-tao para sa ating kaligtasan. Ang Kanyang pagkakatawang-tao ay naganap nang Siya ay kahimahimalang ipinagdalang-tao sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ipinanganak ng isang birhen (Mateo 1:18-23; Lucas 1:34,35).

Ngunit, sa kabila nito, ang Iglesia ng Mormon ay nagtuturo na si Jesucristo ang matanda nating kapatid na lumago sa pagka-Diyos. Una, siya’y nilalang bilang espiritung anak ng makalangit na Ama at nang isang makalangit na ina. Pagkatapos, siya ay ipinanganak sa laman sa pamamagitan ng pagsisiping ng makalangit na Ama at ng Birheng Maria (Achieving a Celestial Marriage, p.129; Mormon Doctrine, pp. 546-547; 742).Pinagtitibay ng doktrina ng Mormon na si Jesus at si Satanas ay magkapatid (Mga Alituntunin ng Ebanghelyo, pp. 19-20; Mormon Doctrine, p. 192).

4. ANG DIYOS BA AY TRINIDAD?

Itinuturo ng Biblia at pinaniniwalaan ng mga naunang kinikilalang Kristiyano na ang Ama, Anak, at Banal na Espiritu ay hindi mga magkakahiwalay na Diyos, kundi sila ay magkakaibang Persona na bumubuo sa iisang Diyos. Sa boong Bagong Tipan ang Anak at ang Banal na Espiritu, gayun din ang Ama ay hiwalay na ipinakilala at kumikilos bilang Diyos (Ang Anak: Marcos 2:5-12; Juan 20:28; Filipos 2:10,11; Ang Banal na Espiritu: Gawa 5:3,4; 2 Corinto 3:17,18; 13:14) Gayon man, itinuturo ng Biblia na ang tatlong ito ay iisang Diyos lamang (tingnan ang unang puntos).

Ngunit, sa kabila nito, ang Iglesia ng Mormon ay nagtuturo na ang Ama, Anak at Banal na Espiritu ay tatlong magkakahiwalay na Diyos (Teaching of the Prophet Joseph Smith, p. 370; Mormon Doctrine, pp. 576-577) Itinuturo rin nila na ang Anak at ang Banal na Espiritu ay talagang anak ng makalangit na Ama at isang makalangit na asawa. (Joseph Fielding McConkie, Encyclopedia of Mormonism, vol. 2, p. 649).

5. ANG KASALANAN BA NI ADAN AT NI EBA AY ISANG MALAKING KASAMAAN O DAKILANG PAGPAPALA?

Itinuturo ng Biblia at pinaniniwalaan ng mga naunang kinikilalang Kristiyano na ang pagsuway ng una nating mga magulang na si Adan at Eba ay isang malaking kasalanan. Dahilan sa kanilang pagkahulog, ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan na nagdala sa lahat ng tao sa ilalim ng kahatulan at kamatayan. Kaya, tayo ay ipinanganak na likas na makasalanan at hahatulan dahil sa mga kasalanan na ginawa ng bawat isa (Ezekiel 18:1-20; Roma 5:12-21).

Ngunit, sa kabila nito, ang Iglesia ng Mormon ay nagtuturo na ang kasalanan ni Adan ay isang "kinakailangang hakbang sa plano ng buhay at isang malaking pagpapala sa ating lahat." (Mga Alituntunin ng Ebanghelyo, p. 37; Ang Aklat ni Mormon - 2 Nephi 2:25; Doctrines of Salvation, vol. 1, pp. 114,115).

6. MAAARI BA NATING GAWING KARAPAT-DAPAT ANG ATING SARILI SA HARAPAN NG DIYOS?

Itinuturo ng Biblia at pinaniniwalaan ng mga naunang kinikilalang Kristiyano na kung hiwalay sa pagliligtas na ginawa ni Jesucristo sa krus, tayo sa espirituwal ay "patay sa mga pagsalangsang at kasalanan" (Efeso 2:1,5) at wala tayong kakayanan na iligtas ang ating sarili. Sa Kanyang awa, pinatatawad ng Diyos ang ating mga kasalanan. At tayo’y ginagawa Niyang karapat-dapat sa pamamagitan ng Kanyang biyaya lamang, hiwalay mula sa kabutihan at gawa ng tao (Efeso 2:8,9; Tito 3:5-6). Ang ating bahagi lamang ay manangan kay Cristo sa pamamagitan ng boong pusong pananampalataya. (Gayon man, totoo rin na kung walang katunayan ng pagbabagong buhay, ang pahayag ng pananampalataya ng isang tao ay kaduda-duda. Ang kaligtasan sa biyaya lamang sa pamamamgitan ng pananamplataya ay hindi nangangahulugang maaari na tayong mamuhay sa ating sariling kagustuhan o layaw — Roma 6:1-4).

Ngunit, sa kabila nito, ang Iglesia ng Mormon ay nagtuturo na ang buhay na walang hanggan sa harapan ng Diyos (na kanilang tinatawag na "kadakilaan sa makalangit na kaharian") ay matatamo sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng mga utos ng Iglesia ng Mormon, pati na ang natatanging mga rituwal sa templo ng Mormon. Itinuturo rin nila na ang mga gawa ay kailangan para sa kaligtasan (pagpasok sa "makalangit na kaharian") - Mga Alituntunin ng Ebanghelyo, pp. 329-330; Ang Mahalagang Perlas - 3rd Article of Faith; Mormon Doctrine, pp. 339, 671; Ang Aklat ni Mormon - 2 Nephi 25:23).

7. ANG PAGTUBOS BA NI CRISTO SA PAMAMAGITAN NG KANYANG KAMATAYAN AY MAY PAKINABANG SA MGA TUMATANGGI SA KANYA?

Itinuturo ng Biblia at pinaniniwalaan ng mga naunang kinikilalang Kristiyano na ang layunin ng pagtubos na ginawa ni Cristo sa krus ay upang bigyan ng ganap na kasagutan ang suliranin sa kasalanan ng sangkatauhan. Gayon man, ang mga tumatanggi sa biyaya ng Diyos sa buhay na ito ay walang bahagi sa kaligtasang ito kundi napapasa-ilalim sa walang hanggang kahatulan ng Diyos (Juan 3:36; Hebreo 9:27; I Juan 5:11,12).

Ngunit, sa kabila nito, ang Iglesia ng Mormon ay nagtuturo na ang layunin ng katubusan ay upang matamo ng lahat ng tao ang pagkabuhay-muli at pagkawalang kamatayan, tanggapin man nila o hindi si Cristo sa pananampalataya. Ang katubusan ni Cristo ay isa lamang bahagi na batayan ng pagiging karapat-dapat at pagtatamo ng buhay na walang hanggan. Kailangan din ang pagsunod sa lahat ng mga utos ng Iglesia ng Mormon at pati na ang paggawa ng mga piling rituwal sa loob ng kanilang templo (Mga Alituntunin ng Ebanghelyo, pp. 78-79; Mormon Doctrine, p. 669).

8. ANG BIBLIA BA AY BUKOD-TANGI AT GANAP NA SALITA NG DIYOS?

Itinuturo ng Biblia at pinaniniwalaan ng mga naunang kinikilalang Kristiyano na ang Biblia ay bukod-tangi, ganap at walang pagkakamaling Salita ng Diyos (2 Timoteo 3:16; Hebreo 1:1,2; 2 Pedro 1:21). Ito ay namamalagi magpakailan man (1 Pedro 1:23-25). Ang gawa ng Diyos sa pangangalaga ng sipi ng Biblia ay kamangha-manghang pinatunayan sa pagkatuklas ng Dead Sea Scrolls.

Ngunit, sa kabila nito, ang Iglesia ng Mormon ay nagtuturo na ang Biblia ay nabahiran ng pagkakamali at nagkukulang ng maraming "maliliwanag at mahahalagang bahagi" at hindi naglalaman ng buong Ebanghelyo (Ang Aklat ni Mormon - 1 Nephi 13:26-29; Teachings of the Prophet Joseph Smith, pp. 9-10).

9. ANG UNA BANG IGLESIA AY LUBOS NA TUMALIKOD SA PANANAMPALATAY?

Itinuturo ng Biblia at pinaniniwalaan ng mga naunang kinikilalang Kristiyano na ang tunay na Iglesia ay itinatag ni Jesus at hindi maaari at kailan man ay hindi nawala sa lupa (Mateo 16:18; Juan 15:16;17:11). Kinikilala ng mga Kristiyano na may pagkakataong nagkaroon ng mga panahon ng katiwalian at pagtalikod sa loob ng Iglesia, ngunit naniniwala rin sila na laging mayroong nananatili na nananalig sa pangunahing aral ng Biblia.

Ngunit, sa kabila nito, ang Iglesia ng Mormon ay nagtuturo na nagkaroon ng ganap at lubusang pagtalikod ang Iglesia na itinatag ni Jesucristo. Itong katayuan ng pagtalikod, ayon sa kanila ay patuloy na nananatili maliban sa kanila na dinatnan ng kaalaman ng napanumbalik na ebanghelyo ng Iglesia ng Mormon (Mga Alituntunin ng Ebanghelyo, pp. 114-115; Mormon Doctrine, p. 44).

 



PANGWAKAS

Ang mga nabanggit sa itaas na naka-italiks ang bumubuo ng tunay na ebanghelyo na pinaniniwalaan ng lahat ng mga naunang kinikilalang Kristiyano, anuman ang kanilang kinikilingang denominasyon. Sa kabilang dako naman, may mga ibang bagong relihiyon tulad ng Mormonismo na nag-aangking Kristiyano, ngunit, tinatanggap ang ibang kasulatan na hiwalay sa Biblia. Nagtuturo sila ng doktrina na salungat sa Biblia at nananalig sa mga paniniwalang ibang-iba sa mga turo ni Jesus at ng Kanyang mga apostol.

Kagaya ng mga naunang kinikilalang Kristiyano ang mga Mormon ay nagsasagawa rin ng ilang mahahalagang panuntunang moral na ayon sa Biblia. Subalit, ang mga nabanggit sa itaas ay mga halimbawa ng maraming mga pangunahin at hindi mapagkakasundong pagkakaiba ng Mormonismo sa makasaysayan at ayon sa Biblia na Kristiyanismo. Bagama’t ang mga pagkakaibang ito ay hindi pumipigil sa atin na igalang at maging mabait sa mga Mormon, gayon man ay hindi natin sila maaaring ituring na kapatid kay Cristo, Ang Biblia ay hayagang nagbibigay babala sa atin sa mga bulaang propeta na nagtuturo ng "ibang ebanghelyo" na nakabatay sa "ibang Jesus" at pinapatotohanan ng "ibang espiritu" (2 Corinto 11:4, 13-15; Galacia 1:6-9). Batay sa patunay na inilahad sa itaas, tayo ay naniniwala na ang Mormonismo ay nagpapahayag ng huwad na ebanghelyo.

Nabanggit na, na kung ang isang tao ay nag-aangking Mormon ngunit tumatanggi sa pangunahing doktrina ng Mormonismo - gaya ng: na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos, na ang Aklat ng Mormon ay totoo at kinasihan ng Diyos, na ang Diyos ay dating isang tao na sumulong sa pagka-Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordinansa ng Iglesia ng Mormon at ang Iglesia ng Mormon ay itinatag ng Diyos - siya ay tatanggihan ng Iglesia ng Mormon bilang isang Banal sa Huling-araw. Hindi matatawag ninuman ang kanyang sarili na isang Mormon kung hindi siya naniniwala sa mga saligang doktrina na itinuturo ng Iglesia ng Mormon. Sa gayunding paraan, kung ang Iglesia ng Mormon ay hindi nanghahawakan sa pangunahing katotohanang ayon sa Biblia na pinaniniwalaan ng nakararaming pamayanang Kristiyano, paanong maaasahang tanggapin ng mga Kristiyano ang Mormonismo bilang tunay na Kristiyano?

Kung ang Iglesia ng Mormon ay naniniwala na sila lamang ang tunay na Iglesiang Kristiyano, hindi nila dapat ipahayag sa publiko na sila ay bahagi ng Kristiyanong pamayanan. Sa halip, dapat nilang ipahayag sa mundo na yaong nag-aangkin na mga unang kinikilalang Kristiyano ay hindi talagang tunay na Kristiyano. At dapat din nilang ipahayag na ang Iglesia ng Mormon lamang ang tunay na Kristiyano. Sa katunayan, iyan nga ang kanilang itinuturo ng palihim, ngunit hindi sa hayagan.