You are here

Bagong Liwanag Tungkol Sa Unang Pangitain Ni Joseph Smith

Printer-friendly version

Bagong Liwanag Tungkol Sa Unang Pangitain Ni Joseph Smith

Wesley P. Walters

Opisyal Na Salaysay Ni Joseph Smith
Makaraan ang dalawang taon ng aming paglipat sa Manchester, nagkaroon ng di-pangkaraniwang sigla tungkol sa paksang relihiyon. Nagsimula ito sa Metodista, ngunit pagkaraa'y kumalat na sa kalahatan ng mga sekta sa rehiyon na iyon ng bayan... at napakaraming tao ang nagsama-sama sa iba't-ibang pagtitipon ng mga relihiyon... Ang iba para sa pananampalataya ng Metodista, ang iba sa Presbiteria, at ang iba naman sa Bautista... ang aking kaisipan ay waring kaayon sa sekta ng Metodista... ngunit napakalawak ang kalituhan at alitan ng iba't-ibang denominasyon, kayat imposible... na marating ang anomang konklusyon, kung sino ang tama, at sino ang mali... Dahil dito, napagpasiyahan kong itanong sa Diyos. Nagtungo ako sa kagubatan sa pagtatangkang ito. Umaga noon, napakaganda, maliwanag ang langit, kasisimula pa lamang ng Tagsibol, taon 1820... Nanikluhod ako at sinimulang buksan ang aking puso sa Diyos... may nakita akong haligi ng liwanag na nakatuon sa aking ulunan... Nang tumigil ang liwanag sa akin, nakakita ako ng dalawang Katauhan na may liwanag at kaluwalhatiang hindi matumbasan ng anumang paglalarawan... Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin na tinawag ang aking pangalan at sinabi, nakaturo sa isa niyang kasama, "Ito ang Aking minamahal na Anak, Dinggin mo siya..." Itinanong ko sa kanilang nakatayo sa liwanag sa aking ulunan, kung sino sa mga sekta ang tama (pagkat sa oras na yaon ay hindi sumagi sa aking puso na lahat sila ay mali) at kung alin sa kanila ang dapat kong samahan. Ang tugon sa akin ay hindi ako dapat sumapi kangino man, pagkat lahat sila ay mali... kaagad kong natuklasan, gayon pa man, na ang pag-uulat ng aking kuwento ay nagpukaw ng malaking paninira laban sa akin sa mga nanampalataya sa relihiyon, at siya ang naging sanhi ng malaking pag-uusig, na nagpatuloy na lumala; at bagama't ako ay isang di-kilalang bata na lalaki, edad ay pagitan ng labing-apat at labing-lima... ang mga tao na matataas pa ang antas sa lipunan ay ang mga pumupuna upang sapat na sumigla ang kaisipan ng publiko laban sa akin, at maglikha ng mapait na pag-uusig; at karaniwan an ito sa lahat ng mga sekta na nagkakasama sa paninirang-puri sa akin.

— Pearl of Great Price, Joseph Smith - History 1:5-8, 14-19, 22 

"Kung mayroon mang kagyat na pagkakataon na ang puntong ito ng kasaysayan ng Mormon ay gawa-gawa lamang, sinong Latter-Day Saint ang hindi maghahangad ng anoman o lahat ng mahalagang katibayan?"


Ang salaysay tungkol sa Unang Pangitain (First Vision) ni Joseph Smith — na nabanggit sa itaas — ay isa sa pundasyon ng katotohanang angkin ng Church of Jesus Christ of Latter-Day Saints (Mormons). Ang kahalagahan nito ay nabanggit na pangalawa lamang sa paniniwala sa pagka-Diyos ni Jesus ng Nasaret.1Winika ng Apostol na Mormon na si Hugh B. Brown:

Ang Unang Pangitain ng Propetang Joseph Smith ay ang bumubuo ng pundasyon ng Simbahan na pagkaraan ay itinatag. Kung ang bisyon na ito ay isa lamang bahagi ng imahinasyon ni Joseph Smith, ang Simbahan ng Mormon kung gayon, ay ito nga kung ano ang sinasabi ng mga kalaban nito -- isang napakasama at sinadyang pandaraya. (The Abundant Life)

Kung mayroon mang kagyat na pagkakataon na ang puntong ito ng kasaysayan ng Mormon ay gawa-gawa lamang, sinong Latter-Day Saint ang hindi maghahangad ng anoman o lahat ng mahalagang katibayan? Ang munting aklat na ito ay ang nagbibigay ng katibayang pangkasaysayan na naglalagay sa kuwento ni Joseph Smith sa panibagong liwanag. Maraming Latter-Day Saint (LDS) ang nanatiling walang malay sa kahalagahan ng detalyeng ito ng kasaysayan, na maaring sadyang hindi binanggit, o itinago, kasama na ang mga sumusunod na katibayan:2 

  • Ayon sa katibayan ng kasaysayan, si Joseph Smith ay hindi maaaring naudyok ng isang "revival" noong 1820 upang tanungin kung sinong simbahan ang totoo, pagkat walang naganap na revival noong 1820 saan mang dako na malapit sa Manchester, New York, na kung saan siya naninirahan. Ang revival na inilarawan ni Joseph Smith ay totoong naganap doon noong simula ng Tagsibol ng 1824. Kung gayon, lubhang nagugulo nito ang buong salaysay ni Joseph, dahil hindi na sapat ang panahon upang maganap ang lahat ng mga pangyayari, mula sa Unang Pangitain hanggang sa malathala ang Aklat ni Mormon noong 1830, ayon sa kanyang salaysay sa Unang Pangitain.
     
  • May iba pang naunang salaysay sa Unang Pangitain, kasama rito ang naisulat sa sariling-kamay ni Joseph Smith, na walang nabanggit na pagpapakita ng Ama at ng Anak. Sa halip, binabanggit ng mga naunang salaysay ang isang anghel, isang espiritu, maraming anghel, o ang Anak. Ang kuwento sa kasalukuyang porma, na magkasama ang Ama at Anak, ay hindi lumitaw hanggang sa taong 1838, maraming taon pagkatapos aminin ni Joseph na siya ay nagkaroon ng pangitain.
     
  • Ang mga detalye na ngayo'y alam na tungkol sa mga unang taon ng buhay ni Joseph ay taliwas sa kanyang pag-angkin na inusig siya noong 1820 nang isalaysay niya ang kanyang Unang Pangitain. Bilang binata, nakikisali siya sa pulong ng mga Metodista, at pagkaraan ay sumama pa siya sa paaralan ng simbahan ng Metodista. Walang pag-uusig na naitala sa kasaysayan.

 

Walang 1820 Revival

Ang pamayanan ni Joseph ay walang naranasang revival (o pagbalik-samba) noong 1820 tulad ng kanyang inilarawan, na kung saan maraming tao ang nagsisali sa Metodista, Bautista, at Presbiteriong simbahan. Ayon sa mga naunang ulat, kasama na ang mga ulat ng mga pulong ng simbahan, mga pahayagan, mga peryodiko ng simbahan, talaan, at mga ulat ng pakikipanayam, walang naganap noong 1820-21 na katulad sa inilarawan ni Joseph. Walang kapansin-pansing pagdami sa mga kasapi ng mga simbahan sa Palmyra-Manchester, bahagi ng New York,3 noong 1820-21 na kadalasang kasama ng mga malalaking revival. Halimbawa, noong 1820, ang simbahang Bautista sa Palmyra ay tumanggap lamang ng 8 katao na nagpahayag ng pananampalataya at nabinyagan; ang simbahang Presbiterio ay nadagdagan lamang ng 14 kasapi; habang ang mga Metodista ay nawalan ng 6, magmula sa 677 noong 1819 at 671 noong 1820, na bumaba pa sa 622 noong 1821 (tunghayan ang Geneva Area Presbyterian Church Records, Presbyterian Historical Society, Philadelphia, PA; Records for the First Baptist Church in Palmyra, American Baptist Historical Society, Rochester, NY; Minutes of the [Methodist] Annual Conference, Ontario Circuit, 1812-21, pp. 312, 330, 346, and 366).

Sa kanyang salaysay noong 1838, sinabi ni Joseph Smith na ang kanyang ina, babaing kapatid, at dalawang lalaking kapatid ay ang mga naakit na sumama sa lokal na simbahan ng Presbiteria sanhi ng nasabing revival noong 1820. Ganoon pa man, sinabi ni Lucy na ina ni Joseph, na ang revival na nag-udyok sa kanya na sumama sa simbahan ay naganap pagkatapos mamatay si Alvin na kanyang anak. Si Alvin ay namatay noong Nobiyembre 19, 1823, at kasunod ng masakit na kawalaang ito inulat ni Lucy na:

Sa mga panahong ito ay may malaking revival sa religion at ang buong kapitbahayan ay masigla sa paksang ito at kami kasama ng iba ay nagsitungo sa bahay-pulungan upang alamin kung mayroong pampalubag-loob na salita upang mabawasan ang labis naming pagdaramdam. (First draft of Lucy Smith's History, p.55, LDS Archives)

Idinugtong ni Lucy na bagamat ang kanyang asawa ay dumalo lamang sa mga unang pagpupulong, wala siyang tutol sa kanya o sa mga bata na magpunta o maging kasapi sa simbahan. Marami pang karagdagang katibayan na ang revival na nabanggit ni Lucy ay talagang naganap noong simula ng Tagsibol ng 1824. Naiulat ito sa may hihigit sa isang dosenang pahayagan at periodikong pang-relihiyon (tunghayan halimbawa ang sulat ni George Lane, petsang Enero 25, 1825, sa Methodist Magazine 8, [April 1825]:159 at isang ulat sa isang pahayagan sa Palmyra, ang Wayne Sentinel 1 [September 15, 1824]:3).4 Ipinakikita ng mga talaan ng simbahan ng mga panahong yaon ang tanyag na pagdami sa mga sumapi dahil sa pagtanggap sa mga bagong nagbagong-loob. Ang simbahan ng Bautista ay may 94, ang Presbiteria 99, habang ang gawang Metodista ay lumaki ng 208. Walang ganoong revival na nakapagpasok ng maraming mga kasapi ang naganap noong 1820 sa Palmyra-Manchester na tulad sa inangkin ni Joseph. Malinaw sa mga katibayang ito na ang revival na inilarawan ni Joseph Smith ay hindi naganap noong 1820, kundi noong 1824. Nang isulat ni Joseph Smith ang 1838 bersyon ng kanyang kasaysayan, sadyang ini-atras niya ng apat na taon sa 1820 ang nabanggit na revival, at ginawa niya itong bahagi ng isang salaysay na Unang Pangitain na maging ang kanyang ina at mga malapit na kasama ay hindi narinig noong mga panahon na yaon. (Sa karagdagang detalye, tunghayan ang Dialogue: A Journal of Mormon Thought, Spring 1969, pp. 59-100).

Nagbibigay ba ang pagkukulang ng apat na taon ng malaking problema sa salaysay ni Joseph? Tiyak na nagbibigay nga. Inilarawan ni Joseph ang isang 10-taong pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari na nagsimula sa Unang Pangitain at nagtatapos sa paglalathala ng Aklat ni Mormon noong 1830. Kung ito ay hindi nagsimula hanggang 1824, mayroon lamang anim na taon upang pagkasiyahin ang may sampung-taong pagkakasunod-sunod na pangyayaring naganap bago nailimbag ang Aklat ni Mormon.

Sa kasalukuyang anyo ng kanyang kasaysayan sa mga Kasulatang Mormon, sinabi ni Joseph na noong 1823, tatlong taon pagkaraan ng Unang Pangitain ng 1820, ay binisita raw siya ng anghel na si Moroni. Sinabi raw ni Moroni kay Joseph ang tungkol sa mga gintong plato ngunit nagsabi rin na dapat pa siyang maghintay ng apat na taon bago niya kunin ang mga ito. Noong 1827 kinuha raw ni Joseph ang mga gintong plato at tatlong taon pagkalipas (1830) inilathala niya ang Aklat ni Mormon. Ganoon pa man, tandaan natin na ini-ugnay ni Joseph ang Unang Pangitain sa isang malaking pananabik-relihiyon sa bahaging Manchester-Palmyra. Sa pagkakadokumentong ito, napag-alaman natin na ang revival ay naganap, hindi noong 1820, kundi noong 1824. Nangangahulugan ito na ang unang pagdalaw ng anghel na si Moroni tatlong taon makalipas ang Unang Pangitain ay dapat naitala sa taong 1827. Kung idadagdag natin ang apat pang taon na paghihintay ni Joseph bago niya kunin ang mga gintong plato, hindi niya ito makukuha hanggang 1831. Ngunit noong taon na iyon, nailimbag na ang Aklat ni Mormon.

Papaano naganap ang ganitong pagkakalito sa kasaysayan ng mga simula ng mga Mormon? Ang bahagi ng kasagutan dito ay makikita sa katunayang si Joseph Smith mismo ang nagsalaysay nito sa iba't-ibang kawing-kawing na salaysay.

Ang Patuloy Na Pabago-Bagong Kuwento

Noong 1832, sinimulan ni Joseph Smith ang isang pag-uulat sa pinagmulan ng Simbahang Mormon (ang kaisa-isang ulat na mula sa kanyang sariling kamay) na malaki ang pagkakaiba kaysa sa opisyal na kuwento ng Unang Pangitain na idinikta niya pagkaraan ng anim na taon. Ang ulat na ito ng 1832, na tinawag na kakatwang ulat, ay hindi natapos, at sa maraming taon ay nanatiling hindi maabot ng publiko. Inilathala ito sa BYU Studies, Spring 1969, pp.278ff, at kasama sa panulat ni Dean C. Jesse na The Personal Writings of Joseph Smith (Salt Lake City, Deseret Book, 1984, pp.14ff).

Sa bersyon na ito, ipinalabas ni Joseph Smith na siya ay isang batang lalaki, na sa pagitan ng edad na labing-dalawa at labing-lima, ay isang masugid at maunawaing mambabasa ng Bibliya. Sinabi niya na ang pag-aaral niya sa Kasulatan ang nagturo sa kanya para maunawaan niya na ang lahat ng mga denominasyon ay mali. Isinulat niya:

sa pagsasaliksik sa Kasulatan, nakita ko na ang sangkatauhan ay hindi lumapit sa Panginoon, bagkus ay lumayo sa totoo at buhay na pananampalataya, at walang lipunan o denominasyon ang nagtatag sa ibabaw ng Ebanghelyo ni Kristo Hesus na nakatala sa Bagong Tipan (Personal Writings, p.5).

Pagkaraan ng anim na taon, nang inilathala ni Joseph ang kanyang opisyal na Unang Pangitain, binago niya ang kanyang kuwento at hindi na niya inamin na ang kanyang personal na pag-aaral ng Bibliya ang nagdala sa kanya sa konklusyon na lahat ng mga simbahan ay mali. Sa halip nito, sinabi niya na ang Ama at ang Anak ang nagsabi sa kanya na lahat ng mga simbahan ay mali at hindi siya dapat sumali kangino man. Balintuna rito, nai-dokumento ng mga mananalaysay na Mormon ang katunayang sumapi si Joseph Smith sa isang paaralan ng simbahang Metodista noong 1828, na parang tuwirang pagsuway sa inangkin niyang maka-Diyos na utos sa kanya na "huwag kang sumali sa alin man sa kanila."5

Inangkin pa niyang nagulat daw siya sa patalastas na ito, dahil idinagdag pa niya na "sa oras na ito hindi kailanman sumagi sa puso ko na lahat sila ay mali." Kaya lang, sa pagbanggit niya nito, kinontra na niya ang kanyang sarili, pagkat sa mga naunang bahagi ng kanyang ulat na ito, sinabi niya: "MADALAS kong sinasabi sa aking sarili, sino sa kanila ang tama, o kaya ay MALI BA SILANG LAHAT? Ang salitang — "hindi kailanman napasok sa puso ko na lahat sila ay mali" — ay makikita sa orihinal na manuscrito (tunghayan sa BYU Studies na unang itinukoy, p.290) at sa unang edisyon ng Pearl of Great Price (1851 ed. ng PGP). Itong salungat na pahayag ay inalis sa mga sumunod na edisyon ng mga Kasulatang LDS hanggang sa bandang 1980, nang ito ay isingit muli sa mga edisyong Ingles ng PGP. Gayon pa man, ito ay hindi kasali sa iba't-ibang mga banyagang edisyon, kasama ang Kastila at Portuguese.

Kahit wala ang kontradiksyong ito, ang opisyal na ulat ng 1838 ay salungat pa rin sa bersyon ng 1832. Sa ulat ng 1832, ang pagbabasa ni Joseph ng Bibliya ang nag-udyok sa kanya na hanapin ang Diyos; samantalang sa kuwento ng 1838, isang hindi naganap (noong 1820) na revival sa bahaging-Palmyra ang nag-udyok sa kanya.

Sa bersyon ng 1832, binanggit ni Joseph ang pagpapakita lamang ni Kristo, samantalang sa rendisyon ng 1838, inangkin niya na kapuwa ang Ama at ang Anak ang nagpakita. Sa ulat ng 1832, alam na niya na lahat ng simbahan ay mali; samantalang sa kuwento ng 1838, sinabi niya na hindi kailanman nangyari sa kanya na maisip na lahat sila ay mali hanggang sa sinabi sa kanya ng dalawang katauhang-makalangit ang katunayang iyon.

Gayon din ang ina ni Joseph, na walang nalalamang pangitain ng Ama at ng Anak sa Sacred Grove. Sa kanyang di-nailathalang salaysay, nagbalik-alaala siya sa simula ng Mormonismo doon sa isang pangitain ng anghel sa silid-tulugan. Noong panahon na iyon, mataimtim na pinag-iisipan ni Joseph kung alin sa mga simbahan ang tunay. Sinabi ng anghel sa kanya, "Wala ni isang totoong simbahan sa lupa; Wala, kahit isa." (Unang burador ng Lucy Smith's History, p.46, LDS Archives)

Isa pa ring bersyon ng Unang Pangitain ang nailathala noong 1834-35 sa periodikong Latter-Day Saints Messenger and Advocate (Vol.1, pp.42, 78). Ang salaysay na ito ay isinulat ng lider na Mormon na si Oliver Cowdery sa tulong ni Joseph Smith. Sinasabi rito kung papaano ang isang revival noong 1823 ay nagpukaw sa 17-anyos na si Joseph Smith6 upang magsaliksik tungkol sa relihiyon. Ayon kay Cowdery, hinangad ni Joseph na malaman para sa kanyang sarili ang katiyakan at katunayan ng dalisay at banal na relihiyon (p.78). Ipinagdasal din niya kung mayroon nga bang Kataas-taasang Katauhan, na magkaroon ng katiyakan na tinatanggap siya nito, at nawa'y magpahiwatig na ang kanyang mga kasalanan ay napatawad (pp.78, 79). Ayon sa ulat na ito, ang anghel (hindi Diyos) na nagpakita sa silid-tulugan ni Joseph ang nagsabi na pinatawad na ang kanyang mga sala.

Ang mga hidwaang nilikha ng ulat na ito ay marami. Una, ang petsa ng revival ay sinabing 1823 sa halip na 1820. Ikalawa, kung mayroon ngang tunay na pangitain ng Ama at Anak si Joseph noong 1820, bakit pa niya kinailangang manalangin noong 1823 kung mayroon o wala ngang Kataas-taasang Katauhan na nabubuhay? Ikatlo, nang maudyukan siya ng revival upang manalangin, ang katauhan na nagpakita ay isang anghel, hindi ang Ama o Anak. Ikaapat, ang pahayag ng anghel ay isang kapatawaran ng kasalanan, at hindi patalastas na lahat ng simbahan ay mali.

Itong mga lubhang magkakaibang ulat na ito ay nagdudulot ng mga seryosong katanungan sa katotohanan ng kuwento ng Unang Pangitain ni Joseph Smith. Ang iba't-ibang tao ay maaaring magkaroon ng iba't-ibang pananaw sa iisang pangyayari; ngunit kung ang isang tao ay magsasalaysay ng magkakaibang kuwento tungkol sa iisang pangyayari, may katuwiran tayong usisaing kapuwa siya at ang katotohanan ng kanyang iniulat.

Pag-Uusig O Pagtanggap?

Ang kasalukuyang ulat ng Unang Pangitain ay hindi lamang nagkakasuliranin sa mga tiyak na petsa ng revival sa Palmyra, New York at sa mga unang ulat ni Joseph sa pangyayari, kundi salungat din ito sa mga alam natin sa kanyang kabataan noon sa Palmyra. Sa kanyang opisyal na bersyon, inaangkin ni Joseph Smith na siya ay inusig ng lahat ng mga simbahan sa lugar nila "dahil patuloy kong inaamin na ako ay nakakita ng pangitain." Gayon pa man, ito ay kinontra ng isa sa mga kakilala ni Joseph sa panahon na yaon. Si Orsamus Turner, isang katulong na manlilimbag sa Palmyra hanggang sa 1822, ay kasama sa isang pangkabataang-samahan sa pagtatalo ni Joseph Smith. Naalaala niya na noong si Joseph, "pagkatapos makatikim ng kislap ng Metodismo, ay naging kasiyasiya nang manghikayat sa mga pulong sa gabi..." (History of the Pioneer Settlement of Phelps and Gorham's Purchase, 1851, p.214). Kung kayat sa halip na kontrahin siya at usigin gaya ng inangkin ng ulat ng 1838, ang batang si Joseph ay tinanggap at pinayagang mangaral sa panggabing pangangaral ng Metodista. Ang puntong ito ay sinuportahan ng mananalaysay sa Brigham Young University at Obispong LDS na si James B. Allen. Nakita ni Allen na totoong walang katibayan na sumusuporta sa inangkin ni Joseph na isinalaysay niya kaagad ang Unang Pangitain matapos itong mangyari noong 1820, at na siya ay tumanggap ng pag-uusig dahil dito, o kaya man ay ikinuwento niya ito makaraan ang sampung taon.

Kakaunti lamang ang katibayan, kung mayroon man, na sa unang bahagi ng 1830 ay inuulat na ni Joseph Smith ang kanyang kuwento sa publiko. At kung sinasabi man niya ito, walang nagbigay-halaga rito upang maisulat sa kasaysayan, at walang pumupuna sa kanya tungkol dito. Maging sa kanyang sariling salaysay, hindi niya nabanggit na sa mga panahong iyon ay pinuna siya dahil sa ikinuwento niya ang Unang Pangitain ("The Significance of Joseph Smith's First Vision in Mormon Thought," Dialogue: A Journal of Mormon Thought, Autumn 1966, p.30).

Pagtatapos

Mula sa lahat ng nakahandang katibayan, kung gayon, ang opisyal na pag-uulat ni Joseph ng 1838 na Unang Pangitain ay lumalabas na katha lamang, hindi kasaysayan:

  • Walang naganap na revival sa kahit na saan sa bahaging Palmyra-Manchester, New York noong 1820.
     
  • Ang mga pangyayari ayon sa sinabi ni Joseph Smith ay hindi aayon sa panahon mula sa revival ng 1824 at ang paglalathala noong 1830 ng Aklat ni Mormon.
     
  • Si Joseph ay tinanggap, at hindi inusig ng mga Metodista.
     
  • Sa kanyang ulat ng 1832, sinabi ni Joseph na sanhi ng kanyang personal na pagsasaliksik sa Bibliya ang nagpakita na lahat ng simbahan ay mali; samantalang sa kanyang ulat ng 1838, sinabi niya na "hindi sumagi sa kanyang puso na lahat sila ay mali."
     
  • Sa bersyong 1832, inangkin ni Joseph na pangitain lamang ni Kristo ang kanyang nakita at sa bersyong 1835, sinabi ni Joseph na ito ay pangitain ng anghel, samantalang sa kuwento ng 1838, ang pahayag ay nagmula sa Ama at sa Anak.
     
  • Walang nakakaalam sa kasalukyang bersyon ng Unang Pangitain hanggang sa matapos na idikta ito ni Joseph noong 1838, at walang lathalang pahayagan ang nagbanggit nito hanggang sa 1842 (Ibid., pp.30ff).

Ang mga hidwaan at kontradiksyong ito na binigyang-liwanag ng mga naunang katibayang-pangkasaysayan ay nagpapakita lamang na ang kuwento ng Unang Pangitain, ayon sa pahayag ng simbahang Mormon ngayon, ay karapat-dapat lamang ituring na imbensiyon ng masiglang imahinasyon ni Joseph Smith. Ang mga katibayan ng kasaysayan at mismong pananalita ni Joseph ay ang sumisira nito.
 



Palatandaan

1. Brigham Young University profesor na si James B. Allen sa "The Significance of Joseph Smith's First Vision in Mormon Thought," Dialogue: A Journal of Mormon Thought, Autumn 1966, p.29. Si Allen ay isang Obispong LDS ng panahong yaon.

2. Halimbawa, ang magazine ng simbahang Mormon na Ensign, Abril 1955, ay nagtanghal ng anim na pahinang artikulo tungkol sa kahalagahan ng Unang Pangitain na tinawag na "Oh, How Lovely was The Morning!" Wala itong ipinakitang pahiwatig tungkol sa malubhang hidwaan ng kuwento ng Unang Pangitain at ng katibayan ng kasaysayan.

3. Ang Palmyra at Manchester ay magkaratig at magkarugtong na bayan.

4. Sinulat ni Lane na ang gawain daw ng Panginoon sa Palmyra at sa mga karatig-pook nito ay nagsimula noong Tagsibol, at umunlad nang bahagya hanggang sa panahon ng pagpupulong na isinagawa noong ika-25 at 26 ng Setyembre, 1824. Sinabi ng artikulo sa The Wayne Sentinel: Isang repormasyon ang nagaganap dito sa bayan na may malaking saklaw. Ang pag-ibig ng Diyos ay napadaloy sa ibang pook sa puso ng marami, at ang pagdaloy na ito ng Espiritu ay waring napakalakas ang kapangyarihan.

5. Linda King Newell at Veleen Tippetts Avery, Mormon Enigma: Emma Hale Smith, University of Illinois Press, 2nd Edition, 1994, p.25.

6. Sa pahina 78, itinuwid ni Cowdery ang isang pagkakamali sa paglilimbag tungkol sa edad ni Joseph. Nang simulan ni Cowdery ang ulat ng simulaing Mormon sa pahina 42, binanggit niya ang revival at ang edad ni Joseph na labing-apat. Sa sumunod na isyu, nang ituloy niya ang kuwento sa pahina 78, itinakda niya ang petsa ng revival na 1823 at itinuwd niya ang edad ni Joseph na labing-pito.